Tampok na Salitang Tagalog: Abrasador (At ang solusyon sa katabaan)

Magandang umaga sa aking mga taga-sunod…sa dalawang tao na nagbabasa nito (ang aking butihing kabiyak at anak yata na nahabag sa aking Stats).

Ang ating tampok na salita para sa araw na ito ay ang salitang “Abrasador”.

Ayon sa aking talasalitaan, ang ibig sabihin ng Abrasador ay unan para sa mga binti. Noong una, hindi ko alam kung ano ang isusulat ko tungkol sa salitang ito dahil kahit yata mga ninuno ko ay hindi alam kung ano ito. Ang tangi ko lang naisip ay ang salitang binti. Partikular na ang aking mga binti at kung gaano kapayat ang binti ko at lahat ng parte ng katawan ko noong unang panahon. Noon kung kailan ang pinakamalaki kong suliranin ay kung paano ko patatabain ang aking sarili. Umiinom ako ng bitamina noon, lumalagok ng isang latang Bear Brand araw-araw at kumakain ng bande-bandehadong pagkain ngunit walang nangyayari. Hirap na hirap akong bumili ng mga damit sa sobrang payat ko.

12 taon ang nakalipas at nagbago ng lubos ang aking problema. Ngayon, pag kumain ako ng matamis na himagas, malalaman mo agad. Sabi nga ng isa sa aking mga paboritong manunulat, huwag ka ng kumain ng minatamis o kaya kahit anong himagas. Itapal mo na lang sa balakang mo kasi doon rin naman pupunta yung kinain mo. ‘Ika nga nila sa wikang Ingles, “shortcut” baga.

Nakakainis ang mga babaeng nanganak pero parang nagdahilan lang. Yung pag nabuntis ay hindi tinatanong kung kambal ang dinadala. Yung mga babaeng pagkapanganak ay hindi tinatanong ng kanilang biyenan kung may naiwang isa pang bata sa loob ng iyong sinapupunan. Mayroon nga akong kakilala na sa sobrang balingkinitan pagkatapos manganak, aakalain mo na hindi siya nanganak kundi nagkunya-kunyarian lang para hindi pumasok sa opisina ng dalawang buwan. Samantalang nung ako ay kagampan, sabi nung isa kong kaopisina dati, kamukha ko raw si Marshmallow Man sa Ghostbusters, o di kaya ay yung mascot ng Michelin. At dahil diyan, hindi ko kinaibigan sa Facebook ang bastos na taong iyon na matabil ang dila at malabo ang mata.

Pero kahit lagi kong sinasabi na sira ang salamin pag nagmumukha akong mataba, wala akong planong tumigil ng pagkain. Ang akto ng pagkain ay lubhang masarap para aking itakwil. Saan ka makakakita ng bagay na nakakapagpasaya sa iyo na walang hinihinging kapalit (kundi bayad, aruy)? Saan ka hahanap na konti lang ang ibibigay mo pero maraming kapalit (na bilbil)? Paano ako lilikha at mangangarap kung wala ang inspirasyon ng mainit, mayaman sa lasa at makasalanang pagkain? Hindi ko kayang itakwil ang pagkain. Manapa pag may nagsabi na bakit ang laki ng katawan ko, sasabihin ko na lang ay: “Iyan ba? Abrasador yan. Lagi ko lang baon. Nilalagay ko sa tiyan ko para mainit-init pag ipapatong ko na binti ko.”

O di ba? Abrasador. (Sabay yukod).

About these ads

Posted on June 3, 2011, in Uncategorized. Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: